Isang guro sa Pampanga ang nagsisilbing inspirasyon sa kaniyang mga batang estudyante dahil nagawa pa rin niyang abutin ang kaniyang mga pangarap kahit isa na lang ang kaniyang kamay.
Sa ulat ng GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing 12-taong-gulang noong Enero 1, 2005 si teacher Jerome nang masabugan ng paputok ang kaniyang kanang kamay at kinailangang putulin.
Pero hindi naging hadlang ang trahediyang iyon sa kaniyang buhay upang patuloy niyang abutin ang kaniyang mga pangarap.
Inisip daw noon ni Jerome na maging guro upang maging inspirasyon sa mga bata na magsikap at huwag siyang gayahin sa nangyaring aksidente sa kaniyang kamay.
Pagkalipas ng mahigit isang dekada, natupad ang pangarap niya at isa na siya ngayong guro.
Bilang pagkilala sa kaniyang determinasyon, isang espesyal na regalo na prosthesis arm ang kaniyang natanggap mula sa GMA Kapuso Foundation.
Naisakatuparan ito sa pakikiisa ng LN-4 Foundation, Naked Wolves Philippines at Philippine Marine Corps, upang makatulong sa pagtuturo ni teacher Jerome.
Ang prosthesis arm na ipinagkaloob kay teacher Jerome ay maaari niyang gamitin para makahawak ng bagay.
"Maraming maraming salamat po ulit sa inyong lahat sa bumubuo po ng event na ito kung hindi dapat po sa inyo eh wala po ang kamay...yung prosthesis hand na ibinigay nyo po sa amin," ayon kay teacher Jerome.--FRJ, GMA News
