Sa harap ng kontrobersiyang nilikha ng posibleng paglaya ng mga bilanggong nakagawa ng karumal-dumal na krimen dahil sa Republic Act 1059 o Good Conduct Time Allowance (GCTA), nangangamba rin ang ina ng magkapatid ng Marijoy at Jacqueline Chiong, na biktima ng rape-slay sa Cebu, na baka makalaya rin ang mga taong hinatulan ng korte kaugnay sa kaso ng kaniyang mga anak.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing dinukot, ginahasa at pinatay ang magkapatid na Chiong noong 1997.

Natagpuan ang bangkay ni Marijoy sa bangin sa Carcar, Cebu pero ang labi ni Jacqueline, hindi na nahanap.

Pitong suspek ang inaresto at nilitis, at noong May 1999, hinatulan ng korte na guilty na may parusang habambuhay na pagkakabilanggo sina Francisco Juan "Paco" Larranaga, Josman Aznar, James Andrew Uy, James Anthony Uy, Rowen Adlawan, Alberto Caño, at Ariel Balansag.

Mula sa sentensiyang habambuhay na pagkakabilanggo, itinaas ng Korte Suprema noong 2004 ang parusa sa anim na akusado sa hatol na bitay.

Nanatili namang habambuhay ang hatol kay James Anthony Uy dahil sa pagiging menor de edad niya nang mangyari ang krimen.

Pero nang mapabalita ang posibleng paglaya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez, na convicted sa kasong panghahalay at pagpatay sa dalawang estudyante ng UP-Los Baños, dahil sa RA 1059, nangangamba rin si Thelma Chiong, ina nina Marijoy at Jacqueline,  na baka makalaya rin ang mga taong pumaslang sa kaniyang mga anak.

Batay sa nakuhang kopya ng GMA News mula sa isang source, mayroon na umanong "release papers" ang tatlo sa anim na convicts na sina Caño, Balansag at Aznar.

Ang naturang kopya, may pangalan at pirma umano ni Bureau of Correction (BuCor) Chief Nicanor Faeldon.

Labis itong tinututulan ni Gng. Chiong at iginiit na mayroong nakasaad na kasunduan nang buwagin ang death penalty, na executive clemency lang mula sa pangulo ang paraan para makalaya ang mga hinatulan ng bitay.

"Parang mahirap 'yan mangyari kasi merong agreement sa abolishing of death penalty law na there is no parole, no pardon. Ang kanila lang is executive clemency from the president. So it cannot be na ma-counted for siya for release of good moral conduct," paliwanag ni Gng. Chiong.

Ayon naman kay Justice Undersecretary Mark Parete, nananatili pa rin sa Bilibid ang tatlong bilanggo, batay na rin sa impormasyon mismo mula sa BuCor.

Nang ipakita naman kay Faeldon ang nakuhang dokumento ng GMA News, itinanggi niya na pirma niya ang nakalagay sa mga papeles. --FRJ, GMA News