Inaresto ang isang rider sa Quezon City nitong Lunes ng gabi na magde-deliver pala ng mahigit P100,000 halaga ng droga, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Nakilala ang suspek na si Benjamin Garcia na unang nasita sa isang checkpoint sa Katipunan Avenue dahil walang mga side mirror ang minamaneho niyang motorsiklo.

Muntik pa nga raw mabangga ng suspek ang mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint.

"Hinanapan namin siya ng lisensiya at OR/CR. Eh atubili siya na wala siyang maipakita. Tinanong ko kung nasaan 'yung papeles at lisensiya niya. Nasa compartment daw ng motor niya," ani Police Captain Ricardo Gomez.

Nang buksan ang compartment, tumambad ang nasa 20 gramo ng umano'y shabu na may street value na P136,000.

 

 

Pag-amin ng suspek, galing siya ng Taguig City at ide-deliver ang shabu sa Montalban, Rizal. Pinahatid lang daw sa kanya ito.

Pitong beses na raw niya ito ginagawa at kumikita ng P1,500 sa kada transaksiyon.

Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. —KG, GMA News