Umaaray ang ilang magsasakang Pilipino sa bumagsak umanong presyo ng palay kasabay ng pagpapatupad ng Rice Tariffication Law.

Ayon sa ulat ni Maki Pulido sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Miyerkules, lalong nabaon sa utang ang mga magsasaka matapos bumaha ng imported na bigas sa bansa.

Sumadsad na raw sa P7 hanggang P8 kada kilo ang bilihan ng palay sa ilang lugar sa Nueva Ecija at Tarlac.

Ang ilang mga nawalan na ng pag-asa sa industriya ng pagsasaka, ibinenta na umano ang kanilang mga bukid.

Hindi naman naniniwala si Senador Cynthia Villar, may-akda ng naturang batas, na bumaba sa ganoong presyo ang benthan ng palay.

"Siguro dapat 'yung mga naapektuhan ng disaster puntahan niyo na at tulungan niyo para hindi sila salita nang salita na ang presyo ng palay ay P6, P7, P8," ayon kay Villar.

Giit ng mga magsasaka, dapat suspendihin muna ang pagpapatupad ng Rice Tariffication Law.

Ngunit ayon naman kay Villar, hindi na raw maaaring pigilan ito.

"Wala na tayong choice kasi after 22 years we have to liberalize because that is the agreement with WTO [World Trade Organization]," ayon sa senadora.

Pebrero 2019 nang pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang batas. — Dona Magsino/RSJ, GMA News