Arestado ang isang abogado at iba pa niyang mga kasamahan matapos niyang tangkaing suhulan umano ang pulisya ng P1 milyon kapalit ng pagpapalaya ng isang Chinese national na nakulong dahil sa human trafficking.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, makikita ang pagpasok ng abogadong si Atty. Joselito Vasquez sa tanggapan ng ng NCRPO Special Operations Unit sa Camp Bagong Diwa pasado ala una ng madaling araw.

Mayroon siyang dala-dala at inilapag niya ito sa lamesa ni Lieutenant Colonel Rogarth Campo, hepe ng RSOU.

Ngunit sa halip na kunin, nagbigay ng signal si Campo para dakipin si Vasquez.

Nang suriin ng mga tauhan ng RSOU ang dala-dala ng abogado, tumambad sa kanila ang P1 milyong halaga ng pera.

Ayon kay NCRPO Chief Police Major General Guillermo Eleazar, unang nag-alok ng P2 milyon si Vasquez para sa kalayaan ng Chinese suspect na si Xuemei Li, na dinakip sa reklamong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act noong Miyerkoles.

Kunwaring kinagat ng RSOU ang alok na bumaba sa P1.2 million.

"Hindi pa natin na-i-inquest itong dalawang Chinese at kahapon, dumating dito ang abogado na nagsasabi na nag-o-offer siya ng P2 milyon para sa kalayaan ng Chinese na nahuli particularly si Ms. Li. Madaling araw ng mga alas-dos bumalik dito si attorney na may dalang pera na P1 milyon," sabi ni Eleazar.

Dinakip din ang Chinese na si Xiangfei Huang na siyang nagbigay ng pera umano kay Vasquez, at ang driver na si Meljohn Palma na maghahatid sana sa abogado ng karagdagang P200,000 bribery money.

Pero sa pamamagitan ng interpreter, inilahad ni Huang na inutusan lang siya ng isang kaibigan na maghatid ng pera sa taong nasa isang pulang kotse.

Dumepensa rin si Palma at sinabing inabot lang sa kaniya ang pera.

"We’ll be filing appropriate charges against them, for attempted bribery and we will work for the disbarment of this lawyer for engaging in unlawful act bilang exat na," sabi ni Eleazar. —Jamil Santos/NB, GMA News