Isang lalaki ang muntik nang mabiktima ng scammer na nagpanggap na delivery man ng isang online shop, ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa Unang Balita nitong Lunes.

Ayon kay Jaydee Mendoza na matagal nang nago-online shopping, wala naman siyang in-order online pero may kumontak sa kanya para sabihin na may ide-deliver sa kanyang vacuum cleaner na nagkakahalaga ng P12,000.

Tinanong daw niya ang texter kung anong pangalan ang nakalagay sa delivery form pero hindi raw siya masagot nito. Kalaunan, humingi na raw ang texter ng cash.

Nang malaman niya na scam pala ito, ikinuwento niya ang kanyang karanasan sa social media para mabigyang babala ang publiko.

Sa isang customer advisory, nilinaw ng Lazada na hindi konektado sa kanilang kumpanya ang mga humihingi ng personal na impormasyon ng mga customer. Dapat daw na i-report kaagad ang mga ganito sa mga otoridad.

Ayon naman sa National Capital Region Police Office (NCRPO), wala pa raw silang natatanggap na reklamo pero may mga natatanggap daw silang ulat ng text scam. —KBK, GMA News