Isa na namang prostitution den ng mga babaeng Chinese sex worker ang nadiskubre ng mga otoridad sa Makati, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Martes.

Sinagip ng Makati Police ang hindi bababa sa 30 babaeng Chinese nang salakayin ang 10-palapag na hotel na ito sa Makati City na isa pala umanong prostitution den.

Ayon sa pulisya, sa penthouse namimili ng babae at saka ibababa sa mga kuwarto. May libre pa raw na sex paraphernalia tulad ng mga condom at lubricants.

May nadiskubre ring mga sexy dress at mga tableta na hindi pa matukoy kung para saan.

Exclusive umano sa prostitusyon ang hotel.

Bawal daw ang Pilipino at mga Chinese lang ang kadalasang pinapapasok. Hindi rin daw puwede ang walk-in dahil dapat ay naka-book online.

May QR Code na kailangan i-scan sa cellphone para madirekta sa isang group chat na may mga larawan ng mga babaeng pagpipilian.

Umaabot raw hanggang P20,000 ang bayad sa bawat babaeng Chinese, bukod sa P3,000 na bayad sa kuwarto.

Tukoy na raw ng pulisya ang may-ari ng hotel.

Kasabay sa pagsagip sa mga babae, 18 lalaking Chinese ang inaresto kabilang ang mga customer at ang ilang nagpapatakbo sa hotel. Mahaharap sila sa reklamong use of trafficked persons at human trafficking.

Inaresto rin ang mga Pilipinong empleyado ng hotel dahil din sa human trafficking. —KBK, GMA News