Sugatan ang isang rider matapos salpukin ng isang SUV sa bahagi ng España sa Maynila. Ang sanhi raw ng disgrasya, paghabol sa traffic light.

Batay sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes, naganap ang insidente sa panulukan ng Maceda at España Blvd sa Maynila pasado hatinggabi ng Lunes.

Ayon sa ilang nakasaksi, mabilis ang takbo ng SUV, na bumangga sa sidewalk na siyang ikinasira nito.

Hindi na nakunan ng pahayag ang mga sakay ng SUV.

Agad namang dinala sa ospital ang sugatang rider.

Bahagya nahirapang makaraan ang ilang sasakyan dahil sa nangyari, pero agad namang naialis ang SUV at motorsiklo.

Patuloy na iniimbestigahan ang aksidente.  —KBK, GMA News