Kumpiskado ng mga pulis ang isang sumpak, ilang airsoft gun, sari-saring mga patalim, at mga drug paraphernalia mula sa ilang nakatira sa Manila North Cemetery nitong Lunes.

Bahagi ang clearing operations ng paghahanda ng Manila Police District sa darating na Undas. 

"Part ng aming security preparations ang clearing operations. So [kahapon] may mga giniba tayong mga informal settlers, mga shanties. Ito ang naabutan natin," ani 
Police Lieutenant Colonel Reynaldo Magdaluyo, MPD STation 3 commander. 

Alinsunod sa direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno, magiging mas mahigpit daw ngayon sa mga sementeryo para sa seguridad at kaayusan sa Undas. 

Base sa paunang imbestigasyon ng pulisya, posible raw ginagawang drug den ang isa sa mga barong-barong na giniba kahapon kung saan nakuha ang mga drug paraphernalia. 

Ang ilan pang mga patalim at airsoft guns ay maaari raw ginagamit sa iba pang krimen. 

Tukoy na raw kung kanino ang mga kontrabando kaya tinutugis na sila ng mga awtoridad. 

Samantala, itinuloy nitong Martes ng umaga ang clearing operations sa Manila North Cemetery. 

"Ine-expect ko meron pa akong makukuha. Pero sa ngayon nakita nila na naitalaga ako dito. Alam nila mahigpit ako dito," sabi ni Magdaluyo.

Asahan daw ang mahigpit na seguridad  sa sementeryo sa darating na Undas. 

Hindi raw bababa sa 500 mga pulis ang itatalaga para masiguro ang kaligtasan at kaayusan sa Manila North Cemetery, lalo’t inaasahang maaaring umabot sa 2 milyon ang bibisita roon ngayong taon. —KBK, GMA News