Na-hulicam ang isang taxi driver na tumangay ng nasa P80,000 halaga ng mga panindang damit mula sa isang van sa Maynila, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Sa kuha ng CCTV pasado alas-otso ng umaga noong Lunes, makikita ang taxi na huminto malapit sa isang van na nakaparada sa Escoda Street sa Sampaloc, Maynila. Binuksan ng driver ang trunk ng taxi at nang makatiyak na walang tao sa paligid, Nagpabalik-balik siya sa van para kumuha ng mga damit.
Bagama't nabisto sa huling balik sa van, nakaharurot ang suspek paalis kahit bukas pa ang trunk ng taxi kaya’t hindi na siya inabutan ng galit na may-ari.
Sa tulong ng CCTV, natukoy ng pulisya ang plaka at operator ng taxi.
Naaresto nitong Martes ang suspek na kinilalang si William De Guzman sa Reparo Street sa Caloocan City.
Tumangging magbigay ng pahayag si De Guzman na mahaharap sa kasong theft. —KBK, GMA News
