Isang hukom, isang aktibong pulis, at isang security personnel ang nasawi sa magkakahiwalay na insidente ng pananambang sa bansa, ayon sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Miyerkules.

Pauwi na umano nang pagbabarilin ng mga salarin sa kaniyang kotse si Tagudin,  Ilocos Sur- RTC Branch 25 presiding judge Mario Anacleto Bañes.

Tumaob pa ang sasakyan ni Bañes, at hindi na siya umabot nang buhay sa ospital.

Inaalam pa ng mga imbestigador kung may kaugnayan sa trabaho ng biktima ang krimen.

Ayon sa anak ng biktima, wala silang alam na kaaway ng hukom.

Pero batid daw ng anak ng biktima na ilang high-profile cases ng mga kriminal ang hinawakan ng kaniyang ama.

Sa Quezon City naman, nahuli-cam ang pananambang ng riding in tandem kay Police Lieutenant Ernesto Mendoza Jr., habang nagmamaneho ng kotse sa barangay Teachers Village West nitong Martes ng gabi.

Sa kuha ng CCTV, makikitang sinabayan ng mga salarin ang biktima at pinagbabaril ng angkas.  Umandar pa ang sasakyan ni Mendoza hanggang sa huminto sa kabilang lane.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung may kinalaman sa trabaho ang pagpatay kay Mendoza.

Titingnan din ang mga CCTV sa mga lugar na dinaanan ng mga salarin kung may malinaw na kuha ng kanilang mga mukha na wala umanong suot na helmet nang gawin ang krimen.

Sa Koronadal, South Cotabato,  patay si Roberto Corneta, miyembro ng security unit ng lalawigan, nang pagbabarilin din siya ng mga salaring sakay ng motorsiklo.

Ayon sa pulisya,  naghintay ang mga salarin sa traffic light sa General Santos Drive hanggang sa dumaan na ang biktima na sakay ng kotse.

Kaagad na binawian ng buhay si Corneta dahil sa mga tama ng bala sa ulo.

Sa Talisay,  Negros Occidental, iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pagpatay sa isang lalaki na nakita sa loob ng isang kotse na may mga tama ng bala sa katawan.

Isang napadaang tricycle driver ang nakapansin sa nakalitaw na ulo ng biktima sa pinto ng kotse.

May mga tama rin ng bala sa kotse, habang nagkalat sa lugar ang mga basyo ng bala.-- FRJ, GMA News