Isinara nitong Miyerkules ng umaga ang isang bahagi ng Agham Road sa Quezon City dahil sa malaking punong nabuwal matapos mabangga ng container van.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita, sinabing pasado alas-kwatro ng madaling-araw kanina nang mangyari ang insidente.
Kwento ng driver ng container van na si Reymon Labitao, binabaybay nila ang kahabaan ng Agham Road nang mapansin nilang naliligaw na pala sila.
Sinubukan nilang gumilid muna at habang iniaatras niya ang container van, nabundol niya ang puno na hindi raw nila nakita nang kanyang pahinante dahil madilim ang lugar.
Mabagal lang naman daw ang takbo nila kaya laking gulat na lang nila nang tuluyan nang nabuwal ang puno.
Nadaganan naman ng sanga ang isa pang truck. Ang container van ay may kargang mga piyesa ng MRT 3.
Galing daw ito sa pier at papunta sana sa depot ng MRT sa north avenue.
Wala namang nasaktan sa insidente, pero nagdulot ito ng isa pang aksidente, pero nagdulot ito ng isa pang aksidente at pagsikip ng trapik dahil nakahambalang ang puno sa kalsada.
May isang truck ng basura na saktong nawalan ng preno at bumangga sa isa pang truck na nakatigil.
Wasak yung unahang bahagi ng truck ng basura. Nagtamo ng ilang galos ang driver at pahinante ng garbage truck.
Wala namang malubhang nasaktan sa insidente. —LBG, GMA News
