Sa kabila ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatitigil niya ang pag-angkat ng bigas sa panahon ng anihan para maprotektahan ang mga lokal na magsasaka, sinabi naman ni Agriculture Secretary William Dar na tuloy pa rin ang pag-angkat sa ilalim ng Rice Tariffication Law.

Nitong Miyerkules ng gabi, nagpulong umano sina Duterte at Dar, kasama sina Executive Secretary Salvador Medialdea at Finance Secretary Carlos Dominguez, na tumagal ng 30 minuto.

Sa pulong balitaan nitong Huwebes, nilinaw ni Dar na, “hindi naman pinapa-stop. We are implementing the law properly.”

Iginiit ng kalihim na kailangang ituloy ang pag-angkat ng bigas para matiyak na sapat ang suplay ng bigas sa bansa.

Paliwanag ni Dar, sa katapusan ng 2019, ang produksyon ng palay ay inaasahang aabot ng 18.48 milyong metric tons, katumbas ng 12.09 milyong metric tons ng bigas.

Katumbas umano ito ng 85 porsiyento ng 14.24 milyong metric tons na kailangan ng bansa bawat taon.

Ang naturang kakulangan ay pupunan umano sa pamamagitan ng pag-angkat.

Sabi pa ni Dar, ang import volume ay tinatayang aabot sa 3.72 milyong metric tons o 26 porsiyento ng kabuuang pangangailangan ng bansa.

“By the end of the year, mataas po ang inventory natin,” pahayag niya.
Para maprotektahan ang mga lokal na magsasaka, sinabi ni Dar na magpapatupad sila ng mahigpit na panuntunan sa pag-angkat lalo na sa panahon ng anihan.

Kasabay nito, inatasan ni Duterte ang National Food Authority na dagdagan ang emergency buffer stock ng bansa mula sa dating 15 araw sa 30 araw sa pamamagitan ng pagbili ng palay ng mga lokal na magsasaka.-- FRJ, GMA News