Pitong kabataan sa Pasay City na may edad 15 hanggang 22 ang iniulat na nawawala at pinapangambahan ng kani-kanilang mga magulang na dinukot. Ang pulisya, bumuo ng Task Force na tututok sa kaso.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, sinabing nagpatawag ng pulong balitaan kaninang umaga, inihayag ng alkalde ng Pasay na si Imelda Calixto-Rubiano, na dumulog na sa kanila ang mga magulang pitong nawawala.
Nalaman lang umano nila ang tungkol sa nawawalang mga kabataan nang magtungo sa pulisya ang magulang ng isa sa mga kabataan.
Nangangalap na umano ang pulisya ng mga CCTV footage sa mga lugar kung saan huling nakita ang mga nawawalang kabataan.
Sa panayam kay Police Colonel Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, sinabi niya na ilan sa mga magulang ang hindi pa nagtutungo sa kanilang himpilan.
Pero batay sa magulang ng isa sa mga nawawalang biktima, sinabi ni Yang na may katatagpuin daw ang kanilang anak kasama ang isang kaibigan. Pero hindi na sila nakauwi ang mga ito.
Ayon pa kay Yang, tatlo sa mga nawawalan ay magkakaibigan.
Sa mga social media post, sinasabing isa sa mga nawawala ay babae at ang nobyo nito.
May mga impormasyon din na isinakay umano ang isang biktima sa isang van.
Sa hiwalay na ulat sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho," sinabing bumuo na ng task force ang Pasay City police na tututok sa naturang kaso ng mga nawawalang kabataan.
Nanawagan naman ang alkalde sa mga magulang at mga guro na maging mapagmatyag at mag-ingat sa mga outdoor activity kasama ang mga estudyante.
Mahigpit na ring umanong ipatutupad ang curfew sa mga menor de edad mula 10:00 pm hanggang 4:00 am.--FRJ, GMA News
