Isang lalaking Nigerian ang nasa kustodiya na ng pulis matapos siyang masagip pagkaraang tumalon sa Ilog Pasig habang may posas pa ang isa niyang kamay nitong Miyerkoles.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Unang Balita," sinabing sinagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang hindi pa nakikilalang banyaga na nakasuot ng polo shirt at shorts.
Ayon sa PCG, inilahad sa kanila ng Nigerian na nanggaling ito sa Makati Police pero hindi pulis ang nagposas sa kaniya.
Nang masagip mula sa ilog, sinabi ng banyaga na natatakot siyang pumunta ulit sa gawi ng Makati kaya sa bahagi ng Pasig River na sakop ng Mandaluyong na siya dinala.
Bahagya pa siyang nagpupumiglas nang dalhin sa kustodiya ng Mandaluyong Police.
Kinikuhanan na ng salaysay ang Nigerian National at patuloy na inaalam ang kaniyang pagkakakilanlan dahil hindi ito gaanong nakapagsasalita ng Ingles. —Jamil Santos/LBG, GMA News
