Nagtungo sa Land Transportation Office nitong Huwebes ang kontrobersiyal na doktor na naging viral sa social media matapos siyang makunan ng video habang sinisigawan ang nakaalitang motorista. Pero bukod sa LTO, may kakaharapin din siyang reklamo sa Professional Regulation Commission (PRC).

Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing sumipot si Dr. Tomas Mendez sa tanggapan ng LTO sa Quezon City kaninang hapon dahil na rin sa utos ng ahensiya para makuha ang kaniyang panig.

Dahil sa nakitang inasal niya sa video nang makaalitan sa kalye ang motoristang si Santiago Paredes, nanganganib na masuspindi o mabawian ng lisensya sa pagmamaneho si Mendez.

Sa video, makikitang minumura at sinisigawan ni Mendez si Paredes at kasama nitong babae sa van. Inirereklamo rin ng dalawa ang umano'y pambabato sa kanila ng doktor.

Nangyari ang iringan ng dalawa sa kalsada dahil daw sa gitgitan noong Linggo sa Makati City.

Pagkatapos na humarap sa LTO,  tumanggi na umano si Mendez at ang kaniyang abogado na magbigay ng pahayag sa media .

Sabi ng hearing officer ng LTO na si Jay-R Oabel, nagsumite si Mendez ng sworn explanation bilang tugon sa show cause order ng ahensya.

Naging maayos naman daw ang pagsagot nito sa mga tanong tungkol sa nangyaring insidente.

Hindi naman sila nagkita ni Paredes sa LTO na nasumite rin ng kaniyang salaysay.

"Naitanong ko sana sa kaniya kanina kung bakit niya nasabi sa akin na hindi pa ako naliligo, maduming madumi ako. Nilalait niya ako," ayon kay Paredes.

"Nais ko lang sana dito yung mabigyan ng ano yan tamang parusa kung ano ang dapat sa kaniya," dagdag niya.

Sabi ng LTO, pag-aaralan ng intelligence and investigation division ang sagot ni Mendez, pati na ang salaysay ni Paredes at ang video na kumalat sa internet at saka magsusumite ng rekomendasyon kay LTO Chief Asec. Edgar Galvante.

Matapos naman maghain si Paredes ng reklamong kriminal sa Makati Prosecutor’s Office, sasampahan din niya si Mendez ng hiwalay na reklamo sa Professional Regulation Commission kaugnay sa trabaho nito bilang doktor.-- FRJ, GMA News