Patay ang dalawang hinihinalang miyembro ng isang robbery-holdup group habang isang pulis naman ang sugatan sa engkwentro sa Maynila, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Huwebes.

Naganap ang engkwentro malapit sa riles ng Philippine National Railway sa Sta. Cruz matapos rumesponde sa holdapan ang mga pulis malapit sa LRT Blumentrit Station nitong Miyerkoles ng gabi.

Apat ng bala ang tumama kay Police Corporal Edhil Bombase dahilan para kinailangang operahan siya. Isang government-issued firearm daw ang ginamit na pambaril sa kanya.

Bukod dito nakuhanan din ng isang revolver ang napatay na suspek na kinilalang si Rodel Vicente. Nakuha rin sa kanya ang 26 na kapsula ng hinihinalang ecstasy, humigit kumulang 50 gramo ng hinihinalang shabu, cash na mahigit P130,000, mga kwintas, cellphone at motorsiklo.

Matapos ang barilan sa Blumentritt, nagkasa ng follow-up operation ang mga pulis dahil may mga nakatakas raw na kasamahan ang suspek. Dito na napatay ng mga pulis ang isa pang suspek na si Antonio Yap na kalalaya lang raw sa kulungan nitong Oktubre sa kasong pagnanakaw batay sa nakuha sa kanyang certificate of discharge. May bitbit itong 9mm na baril.

Naniniwala ang pulisya na kabilang sa malaking robbery holdup group ang dalawang napatay na suspek. Tinutugis naman na ang iba pa nilang kasamahan na naktakas sa operasyon. —KBK, GMA News