Isa ang patay at isa ang sugatan sa away ng mag-live na nauwi umano sa pananaksak at pagkasunog ng ilang bahay sa Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na sinaksak umano ni Rowel Camero ang live-in partner niyang si Annina Rose Tejas kaninang umaga.
Sugatan man at duguan, nagawa pa rin ni Tejas na makalabas ng bahay para humingi ng tulong kaya nadala siya sa ospital.
Makalipas ang ilang minuto, nakitang nagsimula nang magkasunog sa ikalawang palapag ng tinutuluyan ng mag-live in.
Sinasabing nagkulong sa banyo si Camero kung saan natagpuan ang kaniyang bangkay.
Posible raw na na-suffocate si Camero.
Ginagamot naman sa ospital si Tejas, at patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
Nasa tatlong bahay naman ang nadamay sa sunog. —FRJ/KG, GMA News
