Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs ang mahigit P140 milyong halaga ng umano'y shabu na isinilid sa padalang speaker at dinala sa isang bodega sa Pasay City.

Sa ulat ng GMA News Tv "Quick Response Team" nitong Miyerkules, sinabi ng BOC-Port of NAIA, nakuha nila ang kontrabando sa dalawang parcel na speaker ang idineklarang laman.

Pero nang bulatlatin ang dalawang speaker sa loob ng mga padala, may mahigit dalawampung kilo umano ng shabu ang nasa loob.

Ayon sa BOC, dumating sa bansa ang mga kahon sakay ng eroplano at dinala sa naturang warehouse.

Bagaman noon pa raw Hulyo nagdiskubre ang kargamento, ngayon lang ito iniharap sa media dahil kailangan pa itong imbestigahan.

Ipinasa na sa Philippine Drug Enforcement Agency  ang mga nasabat na droga.--FRJ, GMA News