Sisikapin ng mga doktor na maisalba ang kamay ng isang 13-anyos na binatilyo sa Tondo, Maynila na nasabugan ng pinulot niyang paputok.

Isinugod ang naturang binatilyo na nakabenda ang duguang kamay sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center sa Maynila, ayon sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles.

Ayon sa lola ng biktima, napulot lang ng kaniyang apo ang hindi pa matukoy na paputok sa court malapit sa kanilang bahay sa Tondo dakong 5:00 am kanina.

Hawak-hawak pa raw ng biktima ang paputok nang sindihan ng kaibigan at kaagad sumabog sa kamay bago pa man maihagis ng kaniyang apo.

Napag-alaman na unang dinala ang biktima sa Tondo Medical Center pero inilipat sa JRRMMC.

Sinabi ng tuminging doktor na wasak ang kamay ng binatilyo pero may pag-asang pang maisalba dahil wala umanong masyadong laman na natanggal.

Umabot na sa 15 katao ang dinala sa JRRMMC mula nang pumasok ang 2020.

Magmula noong Disyembre 21, umanot na sa 29 ang naitalang firecracker related injuries. Kabilang sa mga biktima ang isang barangay tanod na naputulan ng kaliwang kamay nang hilahin daw nito ang mitsa ng pinaghihinalaang "Goodbye Philippines" na paputok.

Ayon sa datos ng ospital, ang mga baby rocket, lucis, fountain, judas belt, piccolo, triangulo, kuwitis at Goodbye Philippines ang nakabiktima sa mga pasyente.

Mas malalala umano ang mga sugatan ngayon kumpara noong nakaraan taon at posibleng mas dumami pa raw ang dalhin sa mga pagamutan hanggang Enero 5, na sakop pa rin ng isinasagawang monitoring ng Department of Health.

"Paalala ko talaga sa kaniya kagabi pa po, sabi kong ganoon sa kaniya, 'Huwag kang humawak ng paputok.' Hindi nga ho siya humawak kagabi, nandampot naman siya ngayong umaga. Kung wala ho talagang choice, wala akong magagawa kung talagang puputulan siya [ng kamay]," sabi ng lola ng naputukang binatilyo.

"Mukhang mas malala pa ngayon kasi may mga pangit talagang injuries... Paalala lang po, 'pag may nakitang mga paputok na nakakalat sa daan, mas mabuting basain na lang bago walisin at 'wag pupulutin. Huwag niyo na ring subukang magpaputok," sabi ni Dr. Bernard Joseph Adajar, Chief Resident, Orthopedic Department & Officer of the Day, JRRMMC.

Samantala, isa pang binatilyo na biktima ng paputok ang dinala sa JRRMMC pasado 10 a.m. nitong Miyerkoles.

Ang hindi masyadong pagbantay ng mga magulang sa kanilang mga anak ang isa sa mga dahilang nakikita ng mga doktor sa JRRMMC kung bakit mas malala ang bilang ng mga nasabugan nitong Bagong Taon, dahil mga bata ang karamihang mga biktima.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News