Nalapnos ang bahagi ng mukha at apektado ang kaliwang mata ng isang babae matapos na basta na lang siya sabuyan ng hinihinalang asido ng isang lalaki sa Las Piñas City.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, sinabi ng biktima na itinago sa pangalang Catherine, isang account associate, na pauwi na siya dakong 9:00 pm noong Disyembre 16 nang makasalubong niya ang isang lalaki sa T.S. Cruz, at bigla na lang siyang sinabuyan ng mainit na likido sa mukha.

Nakapanayam ng GMA News ang biktima sa tanggapan ng Las Piñas police nitong Huwebes, at nagpaunlak ng panayam sa kondisyon na huwag ipakikita ang kaniyang mukha at huwag sasabihin ang totoo niyang pangalan.

Aniya, kaagad na umalis ang salarin pero hindi na niya nakita kung saan pumunta dahil sa pinsala sa kaniyang mukha. Kaagad naman daw siyang sinaklolohan ng mga kapitbahay at dinala sa ospital.

Sabi pa ni Catherine,  wala siyang alam na kagalit na maaaring gumawa sa kaniya ng naturang krimen. Kaya hinala niya, napagkamalan lang siya o biktima ng mistaken identity.

Binalikan kanina ng mga pulis ang lugar na pinangyarihan at mababakas pa sa gate ng hinihinalang asido na isinaboy sa biktima.

Base sa nakalap na kuha ng CCTV sa lugar, hinihinala ng mga awtoridad na inabangan ng salarin ang biktima.

Patuloy pa ang isinasagawa nilang imbestigasyon para matukoy ang salarin.

Bagaman ligtas na sa kapahamakan ang biktima, hindi na raw na maibabalik sa dati ang kanyang hitsura at linaw ng kaniyang paningin.-- FRJ, GMA News