Nanawagan si Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor sa mga Pinoy na huwag magalit sa mga Chinese sa harap ng pag-usbong ng bagong novel coronavirus (nCoV) na nanggaling sa Wuhan City sa China.

Sa pulong balitaan nitong Martes, hindi naitago ni Defensor ang madismaya tungkol sa umano'y "hate campaign" laban sa mga Chinese sa social media habang patuloy na tumataas ang kaso at mga nasasawi sa China dahil sa nCoV.

Nakarating na rin ang naturang virus sa ibang bansa.

"Tingin ko, mali ito. Huwag nating gawin yung ganun. Hindi naman nila ito kasalanan. Nagtutulungan tayo, hindi ito usapin ng race o bansa. May mga maysakit doon, makiramay tayo," pakiusap ng kongresista.

"I think it's unfair, it's unacceptable. If at all, we must pray for the people of Wuhan or the people of China for their safety and for their health," dagdag niya.

Ayon kay Defensor, nag-aaral ang isang anak niya sa China, at bumalik lang sa Pilipinas dahil sa Chinese New Year break. Pero inabisuhan umano ang kaniyang anak na sa Pebrero 17 na lang bumalik sa China.

Sinabi pa ng mambabatas na may mga kaibigan din siya na galing sa China na nagkuwento tungkol sa sitwasyon sa Wuhan.

"Ang pakiramdam ng ilang mga kaibigan ko, mukhang akala ng Wuhan na kaya nilang i-contain yung sitwasyon sa China. Ang nangyari, Chinese New Year, maraming nagpunta doon, maraming nahawa, hindi nila inawat agad at marami ring nakalabas from Wuhan," kuwento ni Defensor.

Kasabay ng pagpuri sa ginagawang hakbang ng Department of Health (DOH) para mapigil ang pagpasok ng virus sa Pilipinas, nakiisa rin siya sa panawagan na itigil ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa nCov.

"Kung maaari huwag tayong mag-spread ng fake news. Huwag muna tayong mag-post ng kung anu-ano at magsabi ng kung anu-ano dahil naka-monitor naman ang WHO," patungkol niya sa World Health Organization.

"If at all, maging vigilant tayo, let's help monitor. Pero huwag na muna tayong magsabi ng may nagkasakit na o may nagkaproblema kasi baka mag-cause naman ito ng unnecessary alarm amongst our people," dagdag niya.

Sa isang ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing may ilang turista na nalulungkot sa nagiging pagtingin at pagtrato ng iba sa kanila.

“I feel they judge by that of my look or appearance they may have may think I have coronavirus," sabi ng Korean tourist na si Seon Hong, na hindi umano dapat gawin sa kanila.

“You don’t need to be scared coz they want to protect people and protect themselves you don’t need to be so far away from them you just be normal,” ayon naman sa isang turistang Taiwanese.

Una rito, sinabi ng DOH na walang pang kompirmadong kaso ng nCoV sa bansa pero may 24 dayuhan na kasalukuyang minomonitor dahil sa pagkakaroon nila ng sakit na ang sintomas ay katulad ng idinudulot ng virus. —FRJ, GMA News