Nagawa pang makatakbo pero bumagsak at namatay din kalaunan ang mayor ng Sultan Sumagka (ang dating Talitay) sa Maguindanao matapos siyang barilin sa harap ng isang hotel sa Quirino Avenue, Malate, Maynila.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes, kinilala ang biktima na si Mayor Abdulwahab Sabal.

Nangyari ang insidente bago maghatinggabi nitong Lunes, kung saan makikita sa labas ng hotel na biglang nagkagulo at nagtatakbo ang mga tao papasok ng establisimyento.

Nakatakbo pa ang naka-orange na shirt na si Sabal pero sumubsob na rin siya kalaunan sa sahig.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na posibleng sniper ang bumaril sa alkalde dahil sa nakuhang slug ng M16 sa crime scene.

Nabasag din ang pinto ng hotel kung saan humandusay si Sabal.

Bumakas ang dugo sa kaniyang tinakbuhan mula sa sinakyang SUV papunta sa pinto ng hotel.

"Ayon sa kuwento ng kasamahan niya, bumaba siya, pumunta na doon sa pintuan. Nakarinig siya ng putok. Akala niya fireworks lang. Tapos nagtakbuhan na 'yung kasamahan niya kaya nabasag 'yung salamin kasi nag-unahan silang pumasok sa pinto," sabi ni Police Lieutenant Colonel Samuel Pabonita, hepe ng Manila Police District Police Community Precinct 9.

Ayon pa sa pulisya, walang lumantad na testigo dahil madilim sa lugar.

Hindi naman nasaktan ang tatlong kasamahan ni Sabal sa loob ng sasakyan.

Lumabas din sa imbestigasyon na nanggaling sa isang pagtitipon sa isang hotel sa Pasay City ang alkalde bago siya tambangan.

Nitong Lunes, pinulong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang aabot sa 1,715 na pinuno ng lokal na pamahalaan sa bansa, kung saan posibleng dumalo si Sabal.

Dumating ang ilang kamag-anak ng alkalde sa pinangyarihan ng krimen.

"Sa pagkakilala ko po, mabait ang taong iyan tsaka wala naman siyang gaanong kaaway," sabi ni Abdul Nasser Ibrahim, kamag-anak ni Sabal.

Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad sa mga nasa likod ng pagpaslang kay Sabal at kung ano ang motibo nila.

Kabilang si Sabal sa narco list ni Duterte. Dati siyang naaresto ngunit nakapag-out-of-court settlement. —Jamil Santos/KG, GMA News