Halos nakaluwa ang mata, may bukol sa ulo at kita ang mga buto sa mga hita, braso at likuran -- ito ang iniinda ngayon ni Jan Andrei na may Langerhans cell histiocytosis. Sa kabila ng kaniyang kondisyon, patuloy na lumalaban ang tatlong taong gulang na bata.

Sa programang "Tunay Na Buhay," sinabing rare na uri ng cancer ang Langerhans Cells Hystiocytosis na tumutubo sa iba't ibang tissues ng katawan.

Pero sa kaso ni Jan Andrei, tumubo ang mga tumor sa kaniyang ulo, at hindi niya maipikit ang kaniyang mga mata. Kailangan pa itong lagyan ng tape para hindi lumuwa.

Nagmula pa sa Leyte sina Jan Andrei at nanay niyang si Marieta Lobres. Unang na-diagnose ang bata ng Otitis media na isang inflammatory disease sa tainga, pero nang hindi na nawawala ang bukol at may lumalabas nang likido sa kaniyang tainga, lumuwas na sila ng Maynila.

Nakadagdag pa sa dinadamdam ni Marieta Lobres, nanay ni Jan Andrei, na pinagtatawanan si Andrei ng ibang bata na naglalaro.

Nang sumailalim sa chemotherapy, may improvement sa kondisyon ni Andrei. Hindi rin nakitaan ni Marieta ng panghihina si Andrei at lumalaban sa kaniyang kondisyon. — Jamil Santos/MDM, GMA News