Dahil sa umiiral na "enhanced community quarantine" sa Luzon bunsod ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), inanunsiyo ng mga water concessionaire na Manila Water, Maynilad at PrimeWater ang 30-day extension sa paniningil nila ng tubig sa kani-kanilang kostumer.
"Bilang bahagi ng aming patuloy na pagsuporta sa kasalukuyang enhanced quarantine sa Luzon, magpapatupad po kami ng 30-day payment extension para sa water bills na ang Due Date ay pasok sa quarantine period (mula Marso 15 hanggang Abril 14, 2020)," saad ng Maynilad sa kanilang Facebook post.
"Ang nasabing 30-day extension ay dagdag sa normal na 60-day grace period bago makatanggap ang customers ng Disconnection Notice. Karagdagan po ito sa nauna na naming inanunsyo na suspension ng disconnection sa mga overdue account hanggang sa pagtatapos ng quarantine period sa Abril 14, 2020," dagdag nila sa anunsyo.
Pasok din sa quarantine period ang 30-day payment extension na inanunsyo ng Manila Water na mula Marso 17 hanggang Abril 12.
"The welfare of our customers is our primary concern as we all work together to prevent the spread of COVID-19. Our concern is for them not to go out and risk infection just to pay. We encourage them to follow President’s call to stay home," sabi Manila Water president and chief executive officer Rene Almendras.
Samantala, kasabay ng pagtiyak na sapat ang suplay ng malinis na tubig sa kanilang mga kostumer, inihayag din ng Primewater ang 30-day grace period sa pagbabayad ng kanilang mga kliyente.
“Having a constant supply of clean water is a non-negotiable in helping fight the spread of COVID-19, and Primewater is committed to doing its part to defeat the virus,” ayon sa pahayag ng Primewater.
Nitong Lunes, pinaigting ni Pangulong Rodrigo Duterte ang "community quarantine," na mula sa Metro Manila ay ipinatupad na sa buong Luzon. Sa ngayon, umabot na sa mahigit 180 katao ang positibo sa COVID-19.
Nauna nang nag-anunsyo ang Manila Electric Co. (Meralco), at telecom giants na PLDT Inc., Globe Telecom Inc., at Smart na magbigay ng 30-day extension sa monthly dues sa kani-kanilang mga kliyente. --FRJ, GMA News
