Dobleng sakit ang posibleng naramdaman ng pamilya ng isang pulis-Maynila na nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) dahil maaaring hindi na nila makita ang mga labi nito.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing wala pang kasiguruhan ang pamilya kung makikita nila ang katawan ng kanilang padre de pamilya dahil maaaring ilibing na ito nang diretso.
Nasawi ang 48-anyos na non-commissioned officer na si Anthony, hindi niya tunay na pangalan, 7 p.m. ng Marso 14.
Bago nito, inilahad ng anak ng nasawing pulis na hindi paladaing ang ama, pero napansin nilang hirap na itong huminga bago pa man ma-confine sa ospital noong Marso 10.
"Through our email conversation with my dad, may pneumonia nga daw siya. May um-attend naman daw sa kaniyang mga nurse. Kine-claim niya na negative siya sa [COVID-19] kaya napayapa kami, then nagulat kami nu'ng Saturday nire-revive na raw siya," saad ng lalaking anak ng pulis.
Kinumpirma ni NCRPO chief Debold Sinas ang balita sa isang press conference, bago pa umano malaman ng pamilya ng pulis.
"Nagulat kami din na lumabas 'yung resulta through presscon ng NCRPO na wala pa kaming information. Supposedly ang protocol, family muna ang makakaalam," dagdag ng lalaking anak ng pulis.
"Sana in-inform din nila kami. Ginalang sana nila ang privacy namin. Ngayon parang pinandidirian kami ng aming mga kilala," saad ng babaeng anak ng pulis.
Walang ideya ang pamilya ng pulis kung saan niya nakuha ang sakit, at hangad nila na hindi maranasan ng iba ang kanilang nararanasan.
"Sana naman mabigyan ng sapat na kagamitan ang mga kasamahan ni daddy diyan, 'yung mga frontliners natin kasi sila 'yung pinaka-prone sa corona, lalo na 'yung mga masks and gloves, kailangang kailangan nila 'yan," sabi ng lalaking anak ng pulis.
"We're addressing that already at tatlong shifts po kasi 'yan of eight hours each ang ating kapulisan. So tatlong teams 'yan na kailangan mong bigyan ng kagamitan. Dahan-dahan po nating kinukumpleto ang kanilang mga kagamitan," tugon ni DILG Usec Jonathan Malaya.
"Mahal na mahal ko siya. Ngayon kasama na siya ng ating Panginoon. Masaya ako na wala na siyang sakit na mararamdaman," saad ng asawa ni Anthony.
"Mami-miss namin sa kaniya 'yung mga jokes niya every day. Heaven just got better with you there," sabi ng lalaking anak ng pulis.
Ginugol ni Anthony ang oras niya sa intelligence at anti-illegal drugs unit, at nakatanggap ng medalya at samu't saring parangal.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
