Gagamiting quarantine facility ang malalaking gusali sa bansa habang patuloy na tumataas ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.

Sa pinakabagong ulat ng Department of Health, sinabing umabot na sa 3,018 ang kaso ng COVID-19 sa bansa matapos na madagdagan ng 385 na kaso.

Lumobo rin sa 136 ang bilang ng mga nasawing pasyente matapos na madagdagan ng 29.

Nagnegatibo naman sa virus ang 1,275 katao, at 1,154 katao pa ang persons under investigation, 6,321 ang under monitoring.

Para matugunan naman ang pangangailangan sa lugar na paglalagyan ng mga pasyente, gagamiting quarantine facility simula sa susunod na linggo ang Rizal Memorial Coliseum sa Maynila.

Mga asymptomatic o may mild symptoms ng sakit ang dadalhin umano sa coliseum na kaya ang 112 bed-capacity, at imomonitor ng DOH at Armed Forces of the Philippines Medical Personnel.

Bukod sa Rizal Memorial Coliseum, gagamitin ding quarantine areas ang Philippine International Convention Center at World Trade Center sa Pasay City.

Magtutulungan umano ang Villar Group, Department of Public Works and Highways, at EEI, para gawing quarantine area sa loob ng 10 araw ang tatlong forum hall ng PICC na kayang tumanggap ng 630 COVID-19 patients, kabilang ang mga PUI at PUM, na pangangasiwaan din ng DOH.

“In these challenging times, I would like to give you the firm assurance of our companies’ commitment to extend help in whichever way we can and converting PICC to a health facility in the fastest time we can,” saad ni Manny Villar sa isang pahayag.

Sa isang panayam, sinabi ni DPWH Secretary Mark Villar , na 530 pasyente naman ang maaaring tanggapin sa WTC.

Inihayag naman ni Vince Dizon, presidente ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), pumayag ang Iglesia ni Cristo’s (INC) na ipagamit na quarantine facility ang Philippine Arena sa Ciuded de Victoria sa Bulacan.

“Nagpapasalamat tayo sa INC, sa kapatiran, pumayag na po sila, in-offer nilang gamitin ang Philippine Arena para mag-serve sa Bulacan at sa Region 3,” ayon kay Dizon.

Sinabi  ng opisyal na nakahanda rin gamitin bilang COVID-19 facilities ang New Clark City, convention center sa Clark, at Athletes’ Village.

“Ginagawa po natin ito para hindi na kumalat itong virus na ito sa ating mga kababayan,” ani Dizon. “Ang mga ospital po natin ay unti-unti ng napupuno, gusto po natin mapigilan ang pagdagsa ng mga tao sa ating ospital para po ang ating ospital ma-prioritize ang mga may severe na pangangailangan.”

Nilinaw din ni Dizon na libre ang pananatili sa mga naturang government facilities.

“Sinisigurado ng ating gobyerno at private sectors, unang-una libre ang pagkain dito pati sa ating staff. Walang iisipin ang ating kababayan,” aniya.

“Airconditioned ang lahat ng ating facilities na itatayo. Ikatlo, free WiFi din po ang ibibigay, nagpapasalamat tayo sa PLDT at Smart,” dagdag niya.

Tinukoy at pinasalamatan ni Dizon ang mga kompanya na tumutulong sa paggawa ng mga quarantine facility na Razon Group, Prime BMD, Bloomberry Cultural Foundation, EEI, Vista Land, Ayala Land, AC Energey, Makati Development Corp., ICPP, Filinvest, Aboitiz Group, Lina Group of Companies, Meralco, Smart, PLDT, Globe, DM Consunji at Concepcion Industries. --FRJ, GMA News