Matatanggap na umano ng mga guro sa mga pampublikong paaralan sa Mayo 15 ang kanilang 13th month pay, ayon sa isang opisyal ng Department of Education (DepEd).
“Ang ating 13th month pay ay atin na rin pong pinoproseso at ready na rin po for release by May 15,” pahayag ni Education Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla sa televised press briefing nitong Martes.
Sinabi pa ng opisyal na maaga na ring inilabas ang sahod ng mga kawani ng DepEd nitong Marso at Abril dahil na rin sa epekto sa kabuhayan ng ipinatutupad na enhanced community quarantine upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Naipamahagi na rin umano ang clothing allowance ng mga kawani.
“’Yun pong May (salary) ay processing na rin po ngayon,” pahayag pa ni Sevilla, at sinabing pinoproseso na rin ang performance-based bonus ng mga guro.
Nakikipag-ugnayan din umano ang DepEd sa mga kinauukulang sektor para magkaroon ng moratorium sa salary deduction ng mga guro na may pagkakautang.
“Dadagdagan natin ang loan term, hindi sila mag-aalala. Kung ang inyong loan ay naka-encode sa ating database, kami ay mag-e-extend ng loan term nito,” pagtiyak niya.—FRJ, GMA News
