Dalawa katao ang patay sa pamamaril sa Quezon City sa kabila ng ipinaiiral na enhanced community quarantine bunsod ng banta ng COVID-19, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes.
Naisugod pa ang isa sa biktima na kinilalang si Mel Bansuelo sa ospital pero binawian din siya ng buhay. Patay din ang kaniyang biyenan matapos madamay sa pamamaril.
Naganap ang insidente sa Barangay Commonwealth nitong Miyerkoles ng gabi.
Batay sa imbestigasyon, papasok na ng bahay si Bansuelo nang makita ng anak niya na may kasunod siyang lalaki na nagkasa ng baril.
Sinundan daw ng suspek si Bansuelo sa loob ng bahay kung saan siya pinagbabaril at kung saan din nadamay ang biyenan ng biktima.
Tatlo raw ang suspek -- isang gunman at dalawang lookout -- na mabilis tumakas matapos ang pamamaril.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente para matukoy ang motibo ng mga suspek. Inaalam din kung paano nakalusot ang mga salarin samantalang may quarantine control point malapit sa lugar. --KBK, GMA News
