Napalitan ng tuwa ang pangamba ng 85 tricycle driver sa Tondo, Maynila na "sinita" ng mga pulis dahil sa halip na tiketan sila dahil sa pamamasada, binigyan sila ng relief goods.

Sa ulat ni Isa Avendaño-Umali ng Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, sinabing pinangunahan ni MPD Station 2 commander Lt. Col. Magno Gallora ang "pagsita" sa mga tricycle driver sa Dagupan.

 

 

Pinahilera na may social distance ang mga driver at matapos na pagsabihan at ituro ang mga dapat nilang gawin kapag pinayagan nang mamasada, binigyan na sila ng relief packs at libreng face masks.

Paalala ni Gallora, sa Lunes ay puwede nang pumasada ang mga tricycle pero dapat nilang sundin ang health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, isa lang ang pasahero kada biyahe, at dapat maglagay ng plastic divider at alcohol sa tricycle.--FRJ, GMA News