Nagbitiw ng salitang "mukhang pera" si Pangulong Rodrigo Duterte matapos iulat ni Health Secretary Francisco Duque III na itutuloy na ng Philippine Red Cross (PRC) ang pagsusuri ng mga swab specimen para sa COVID-19 test.
Sa televised briefing nitong Huwebes ng gabi, sinabi ni Duque na itutuloy na ng PRC ang kanilang operasyon matapos makapagbigay ng paunang bayad na P500 milyon para sa kabuuang P930 milyon na utang sa kanila ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa COVID-19 tests.
“Ngunit nabayaran na po ang PRC at nagbukas na silang muli kaya patuloy na po ang kanilang pagsusuri ng mga swab specimen,” ani Duque.
Matapos nito, sinabi ng Punong Ehekutibo na, “Mukhang pera.”
Una rito, nangako si Duterte na babayaran ng pamahalaan ang P930-milyon na utang ng PhilHealth sa PRC, matapos na itigil ng naturang humanitarian organization ang pagproseso sa COVID-19 test.
Ang PRC ang nagpoproseso sa mga COVID-19 test ng mga umuuwing OFW at sa ilang mega quarantine facility, na ang PhilHealth ang nagbabayad.
Dahil sa pagtigil ng PRC sa pagproseso sa COVID-19 tests, maraming OFW ang natengga muli sa mga quarantine facilities habang hinihintay ang resulta sa kanilang pagsusuri bago pauwiin sa kani-kanilang pamilya.
Ipinaliwanag noon ng PhilHealth na naghihintay pa sila ng clearance mula sa Department of Justice bago makapaglabas ng paunang bayad sa kanilang utang sa PRC.
Pero sabi ni PRC Chairman at senador na si Richard Gordon, dapat na buong bayaran ng PhilHealth ang kanilang utang.
Iginiit niyang gumagastos ang PRC sa isinasagawang mga COVID-19 test.
Nitong Huwebes, sinabi ng PhilHealth na nakapagpalabas pa sila ng karagdagang P100 milyon na pambayad sa PRC.
Wala pang reaksiyon si Gordon sa naging pahayag ni Duterte.--FRJ, GMA News
