Epektibo na simula sa Martes, Enero 2, 2021 ang batas na nagtatakda sa mga motorista na maglagay ng car seat para sa mga batang edad 12 pababa, alinsunod sa Child Safety in Motor Vehicles Act.
Gayunman, sa panayam ng GMA News "Unang Hirit" nitong Lunes, nilinaw ni Atty. Clarence Guinto, regional director, Land Transportation Office (LTO)-NCR, hindi pa sila manghuhuli ng mga lalabag sa naturang batas.
Ayon kay Guinto, magsasagawa raw muna sila ng information campaign at bibigyan ng kaalaman ang mga tao tungkol sa naturang bagong batas.
Nakikipag-ugnayan pa raw sila sa Department of Trade and Industry tungkol sa mga supplier ng car seat na magiging accredited at dapat may ICC mark ang mga ito.
Nakikipag-ugnayan din umano ang LTO sa Technical Education and Skills Development Authority para sa tamang paglalagay ng car seat ng mga bata dahil may pagka-teknikal daw ang paglalagay nito.
Saklaw din daw ng bagong batas ang ilang sasakyang pampubliko.
Una nang sinabi ni Robert Valera, deputy director ng Law Enforcement Service ng LTO, na maaaring tatlong buwan pa bago sila magsimulang manghuli ng mga lalabag.
"The enforcement is not only about apprehension. It also covers information dissemination as well as warning. Instead of issuing initially a TOP (temporary operator's permit) or a show cause order, we will be on the warning mode as well as information dissemination," anang opisyal.
Kasama rin sa bagong batas ang pagbabawal na iupo sa tabi ng driver ang batang edad 12 pababa.
Magiging exempted lang ang bata sa mandatory "child seat" kung may taas siya na 4"11 pataas.
"Child restraints in cars are intended to keep a child firmly secured in their seats so that in case of sudden braking or collision, the child would not be fatally thrown away against the car interior or ejected from the vehicle," paliwanag ni Valera.
Sa implementing rules and regulations (IRR) ng bagong batas, ang driver na lalabag ay magmumulta ng 1,000 sa unang huli; P2,000 sa ikalawang pagkakataon; at P3,000 at isang taon na suspendido ang driver's license sa ikatlong huli.
Kabilang din sa exempted sa panukalang ilagay sa "car seat" ang mga bata ang mga may medical emergency, o mayroong medical o developmental condition o katulad na kondisyon ang bata.
May parusang multa na mula P50,000 hanggang P100,000 ang mga manufacturer, distributors, importers, retailers, at sellers ng "car seat" ng mga bata na lalabag patungkol sa safety standards, regulation at requirements.— FRJ, GMA News

