Patay na at nakabulagta sa gilid ng kalye nang datnan ng mga rumespondeng tauhan ng barangay ang isang 21-anyos na lalaki sa Commonwealth Avenue sa Quezon City nitong Lunes ng gabi.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, kinilala ang biktima na si John Kenneth Chavez.
Nagtamo siya ng isang tama ng bala ng baril sa dibdib.
Batay umano sa kuwento ng isang saksi, nakita niyang hinahabol ang biktima ng lalaking naka-jacket na itim at nang abutan ay binaril na sa dibdib.
Nakatakas naman ang salarin matapos gawin ang krimen.
Ayon sa ina ng biktima, nagpaalam ang kaniyang anak nitong Lunes ng hapon na pupunta sa isang motor shop sa Fairview at binigyan pa niya ng pamasahe.
Maayos daw itong umalis ng bahay kaya hindi niya lubos maisip kung bakit pinaslang ang kaniyang anak.
Wala rin maisip ang mga kaanak ng biktima kung ano ang posibleng motibo sa krimen dahil wala raw silang alam na kaawat nito.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyo ng pulisya.--FRJ, GMA News
