Maaga pa lamang nitong Miyerkules mahaba na umano ang pila ng magpapabakuna sa Ramon Magsaysay High School sa Maynila, dahil 200 doses lamang ng bakuna kontra COVID-19 ang nakalaan sa bawat vaccination center ngayong araw sa lungsod.
Iniulat ni James Agustin sa "Unang Balita" na bago pa man mag-ala-sais ng umaga ay pinapapasok na sa paaran ang mga magpapabakuna, na bahagi ng A2 at A3 priority group.
Pumila na umano ang mga maagang nagsidatingan dakong alas-tres ng madaling-araw, ayon sa ulat.
Bukod sa Ramon Magsaysay High School, tig-200 doses din lamang ang nakalaan sa iba pang vaccination center ng lungsod.
Samantala, sinabi rin ng ulat na sa Sta. Ana Hospital at sa Ospital ng Maynila, pangalawang dose na ngayon ng Sputnik V vaccine para sa mga nabakunahan noong May 5, na kabahagi sa A1 priority group.
Umabot na ng 242,748 ang mga dose ng vaccine ang naiturok sa mga residente ng Maynila hanggang noong Martes.
Batay sa schedule ng Ramon Magsaysay High School ang pagbabakuna ay mula 6 a.m. hanggang 8 p.m. —LBG, GMA News

