Nadagdagan ng 12 ang local cases sa Pilipinas ng mas nakahahawang Delta coronavirus variant ng COVID-19, batay sa inilabas na impormasyon ng Department of Health (DOH) nitong Huwebes.

Ayon sa DOH, umakyat na sa 47 ang kabuuang local cases ng Delta variant sa bansa, at tatlo naman ang nasawi.

Sa nasabing bilang, 36 ang gumaling na at walo ang active cases o patuloy na ginagamot.

Sinabi rin ng DOH na tatlo sa mga bagong kaso ay mula sa Metro Manila; anim sa Region 3, dalawa sa Calabarzon, at isa sa Region 5.

“All cases have been tagged as recovered but their outcomes are being validated by our regional and local health offices,” ayon sa DOH.

Sinabi ng DOH na dapat paigtingin ang mga hakbang sa mga lugar na may bagong Delta variant cases, at maging sa mga lugar na tumataas ang bilang ng hawahan, “with the premise that there may be ongoing local transmission already.”

Pinayuhan ng DOH ang mga lokal na pamahalaan na dagdagan ang "sample" na ipinapadala sa genome sequencing, lalo na sa mga lugar na may pagdami ng hawahan ng COVID-19.

Samantala, nadagdagan din ang mga kaso ng iba pang variant ng COVID-19 tulad ng Apha na unang nakita sa United Kingdom at Beta naman na unang nakita sa Africa.

Ayon sa DOH, 187 cases ang nadagdag sa Alpha variant, 142 sa Beta variant , at 12 naman sa P.3 variant na dito sa Pilipinas pinaniniwalaang nanggaling.

Sa kabuuan, mayroon nang 1,668 Alpha cases sa Pilipinas, 1,827 Beta cases, at 233 P.3 cases, habang nanatili sa dalawa ang Gamma variant, na unang nakita sa Brazil.

“The DOH reminds the public that as the government continually strengthens our healthcare capacity, the minimum public health standards and getting vaccinated when it is our turn are still the best defense against any variant,” paalala ng DOH. --FRJ, GMA News