Nasungkit ng Pinay weightlifter na si Hidilyn Diaz ang kauna-unahang gold medal ng Pilipinas sa Olympics matapos magwagi sa women's 55-kg weightlifting event sa 2020 Tokyo Olympics nitong Lunes na ginanap sa Tokyo International Forum sa Japan.
Ito ang kauna-unahang gold medal ng Pilipinas mula nang sumabak sa Olympic noong 1924.
Pumuntos si Diaz ng kabuuang 224, para mahigitan si Liao Qiuyun ng China.
Walang naging problema sa una at ikalawang buhat ni Diaz sa 94 at 97kgs, ayon sa pagkakasunod. Pero nabigo siya sa ikatlo na 99kg.
Sa clean and jerk, tagumpay si Diaz sa pagbuhat sa 119kg, maging sa ikalawang buhat na 124kg at 127 sa ikatlong buhat.
Ito ang ika-apat na sunod na sabak ni Diaz sa Olympic.
Sa 2016 Olympic sa Rio de Janeiro sa Brazil, nakasungkit din si Diaz ng silver medal, at gold medal sa 2019 Southeast Asian Games.
Ginagawa ang Olympics tuwing ikaapat na taon.—FRJ, GMA News
