Sinabi ng Department of Health na nasa 93% ng mga nasawi sa COVID-19 noong 2021 ay mga pasyenteng hindi nabakunahan ng panlaban sa virus.

Sa panayam sa radyo nitong Miyerkules, sinabi ni DOH Undersecretary Leopoldo Vega, na batay ito sa mga datos mula Marso hanggang Disyembre 2021.

Idinagdag ni Vega na 80% ng mga naospital ay hindi rin naturukan ng COVID-19 vaccines.

Nitong Lunes, iniulat ng DOH na 5,434 ang mga bagong kaso ng COVID-19, at 29,809 na ang aktibong mga kaso.

Tumaas naman sa kabuuang 51,604 ang nasawi sa COVID-19 matapos na madagdagan ng 18.

Ayon sa DOH, nasa 50,627,196 katao na ang fully vaccinated, at 57,254,482 naman ang naka-first dose na.

Target ng pamahalaan na ma-fully vaccinated ang 77 milyong Pinoy bago ang May 2022 elections.—FRJ, GMA News