Inanunsyo ni Senate President Vicente Sotto III nitong Biyernes na naka-lockdown ang gusali ng Senado mula Enero 10 hanggang 16 matapos tamaan ng COVID-19 ang marami nilang empleyado.

Batay sa tala ng Senate Medical Team, sinabi ni Sotto na 46 kawani nila ang nagpositibo sa virus, at 175 na iba pa ang naka-quarantine dahil sa exposure at nagpapakita ng COVID-19 symptoms.

Hinihintay pa ang resulta ng kanilang COVID-19 tests.

"Medical has sent a memo recommending seven days of total closure of the Senate from January 10 (Monday) to  January 16 (Sunday). They will conduct thorough disinfection and this will lessen contact among employees to prevent or slow down virus transmission," ani Sotto.

"So nobody can enter the Senate premises except those that will do the disinfection on January 8 and 15. Therefore, I will heed the call of the medical team! Will order it now," dagdag niya.

Ayon kay Sotto, limang staff ng Medical Bureau ang naka-quarantine din kaya bawas din ang mga tauhan nito para tumugon sa pangangailangan ng kanilang mga empleyado.

Una rito, nag-lockdown ang Kamara de Representantes na mula January 10 hanggang 16 dahil din sa dami ng mga kawani ng apektado ng COVID-19. — FRJ, GMA News