Hinagisan ng granada ang sabungan na Manila Arena sa Santa Ana, Manila nitong Huwebes ng gabi. Ang naturang sabungan ang pinuntahan ng ilang lalaking nawawala dalawang linggo na ang nakararaan.

Sa ulat si Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera ang pagdaan ng riding in tandem sa labas ng arena.

Bumagal ang takbo nila nang tumapat sa arena at tila may ibinato. Kasunod na nito ang paglabas ng ilang lalaki at isang guwardiya na tinangkang habulin ang mga suspek.

Nakatakas ang riding in tandem at nakitang granada ang ibinato ng mga ito na hindi sumabog.

Kaagad na tumawag sa mga awtoridad ang tauhan ng arena.

Ayon sa pulisya, wala pa silang malinaw na nakikitang motibo sa naturang paghahagis ng granada. Maaaring pananakot umano ang pakay ng mga salarin.

Aalamin din ng mga awtoridad kung may kaugnayan ito sa insidente ng pagkawala ng ilang sabungero na nagpunta sa naturang sabungan dalawang linggo na ang nakararaan.

--FRJ, GMA News