Sa kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki matapos silang mandukot umano ng cellphone ng isang babaeng pasahero habang nakikipagsiksikan sa bus sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkules, inilahad ng pulisya na pauwi na ang biktima nang magpanggap na mga pasahero ang mga suspek at nakipagsiksikan din.
"'Yung isang suspek natin nabuksan 'yung bag ng biktima. Pagkakuha ng cellphone naipasa roon sa kaniyang kasamahan. Buti naman napansin ng mga pasahero at vigilant naman ang mga pasahero, naimpormahan 'yung biktima," sabi ni PCP 2 Commander Police Lieutenant Bobby Castillo.
Dahil dito, nakahingi agad ng tulong ang biktima sa pulisya sa lugar.
Kinilala ang magkapitbahay na suspek na sina Bernard Philip Nolasco at Joven Delos Santos.
Nabawi sa mga salarin ang cellphone ng biktima na may halagang P7,500.
Pang-anim na beses na ni Nolasco na mabibilanggo dahil sa pagnanakaw, ayon sa pulisya.
"Hindi ko po binuksan 'yun sir. Nakita ko po nalaglag tapos binalik ko po agad," sabi ni Nolasco.
"Hinatak niya lang po ako noong hinuli siya ng pulis," sabi ni Delos Santos.
Mahaharap ang mga suspek sa reklamong theft. —LBG, GMA News
