Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na maaaring lumala pa dahil sa sagupaan ng Ukraine at Russia, hiniling ng Malacañang sa Kongreso na repasuhin ang oil deregulation law.

Sa press briefing nitong Miyerkules, sinabi ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles, na ang pagrepaso sa oil deregulation law ay kabilang sa medium-term measures na napagkasunduan sa isinagawang top-level special meeting nitong Martes na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"For the medium term, we call on Congress to review the oil deregulation law, particularly provisions on unbundling the price and the inclusion of the minimum inventory requirements in the law, as well as giving the government intervention powers or authority to intervene when there is a spike and/or prolonged increase in prices of oil products," ayon kay Nograles.

Sa ilalim ng naturang batas na dating kilala bilang Downstream Industry Deregulation Act, inalis ang kontrol ng gobyerno sa industriya para magkaroon ng kompetisyon sa presyohan sa merkado.

Kabilang sa inasahan ng mga nagsulong ng naturang batas ay magkakaroon ng pababaan ng presyo sa mga produktong petrolyo ang mga nasa industriya.

Gayunman, kailangang magpatawag ng special session ang Palasyo kung nais nitong repasuhin ng Kongreso ang oil deregulation law.

Nag-adjourned session ng Kongreso noong February 4 at magpapatuloy lang sa May 23 o, pagkatapos ng May 9 national at local elections, para na rin sa canvassing ng mga boto.

Sinabi ni Nograles na inaprubahan din ni Duterte ang rekomendasyon economic team na palakasin ang domestic economy, stabilize food prices, at maglaan ng social protection, pati na pamamahagi ng fuel discount vouchers sa mga magsasaka at mangingisda dahil sa oil price hike.

Inaprubahan din umano ni Duterte ang rekomendasyon ng Department of Agriculture na paramihin ang local food production.

"Kasama na rito ang pagpapataas ng produksiyon ng pagkain sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Plant, Plant, Plant Part 2; pagpapataas ng rice buffer stock na hindi bababa sa 30 araw; pamamahagi ng tulong pinansiyal sa ating mga nagsasaka ng palay; at pagtugon sa tumataas na presyo ng abono o pataba," anang opisyal.

Kasama umano sa tulong na ibibigay sa mga magsasaka ang fertilizer subsidy.

"President Rodrigo Roa Duterte has given assurances that mitigating measures and contingency plans will be in place as part of the government's proactive response to the conflict in Ukraine," sabi ni Nograles.—FRJ, GMA News