Tiniyak ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. sa publiko na maayos ang kaniyag kalusugan sa kabila ng mga espekulasyon na naglalabasan sa social media na may karamdaman siya.

Sa isang video, tinanong ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, si Marcos tungkol sa kaniyang kalusugan.

''Eh ganon pa rin, I'm struggling kasi ayoko na tumaba ulit, nawala na 'yung taba ko baka babalik. That's what I'm taking care of,'' ayon kay Marcos.

''I want to... nagpapasalamat naman po ako sa mga nag-aalala sa akin,” patuloy niya.

Tungkol sa mga espekulasyon sa social media post na may sakit siya, sabi ng pangulo, “Huwag niyo pong masyadong sineseryoso, ano ba naman ang social media, palabiro 'yan eh. Wala po tayong problema.''

Idinagdag ni Marcos na bumalik na siya sa kaniyang regular routine sa nakalipas na tatlong buwan, at laki siyang handa na magtrabaho.

Sinabi rin ng pangulo na walang pagkain na bawal sa kaniya pero mayroon lang mga pinaiiwasan gaya ng mga mamantikang pagkain.

Una rito, inihayag ng Malacañang na naghahanda silang magsampa ng reklamo laban sa mga taong nagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa kalagayan ng kalusugan ng pangulo.

Ayon kay Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez, kinakalap na nila ang mga katibayan para isasampa nilang reklamo sa susunod na linggo. — Anna Felicia Bajo/FRJ GMA News