Isang driver ang tinakasan umano ang mahigit P7,000 na halaga ng diesel na ipinakarga nito sa minamanehong sports utility vehicle (SUV) sa El Salvador City, Misamis Oriental. Pero ang nakarehistrong may-ari ng sasakyan, iginiit na hindi siya ang driver nang mangyari ang insidente.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, makikita sa video footage ang pagpapa-full tank sa SUV noong Martes. Pero nang matapos ang full tank, sinabi ng pump attendant na umalis na lang ang driver.
Ayon pa sa pump attendant, tila sinadya ng driver na tumakas sa pagbayad at nakita rin umano ng kaniyang kasama na tumatawa ang mga nasa loob ng sasakyan nang umalis.
Sa pangamba na siya ang magbabayad sa hindi nabayarang halaga ng diesel, ini-report ng gas attendant sa pulisya ang insidente.
Dahil malinaw na nakita ang plaka ng sasakyan, kaagad na inalarma ng mga pulisya ang sasakyan at naharang kinagabihan sa Iligan City.
Ayon kay El Salvador City Police Station Assistant Investigator, Senior Master Sergeant Lemuel Tecson, itinanggi ng nakarehistrong may-ari ng sasakyan na siya ang nagmamaneho nang mangyari ang insidente.
Gayunman, nakipag-ugnayan umano ito sa pump attendant para bayaran ang halaga ng diesel na nakarga sa sasakyan.
Hinayaan na rin muna ng pulisya na maibalik sa may-ari ang sasakyan, habang wala pang pormal na reklamo na inihahain ang may-ari ng gas station kaugnay sa nangyaring insidente.—FRJ GMA Integrated News
