May bagong modus online na dapat pag-ingatan ng mga nais magtrabaho sa ibang bansa. Ang mga manloloko, gumagamit ng pangalan ng lehitimong recruitment company at maniningil ng bayad via digital payment system.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita," ipinakita ang text message ng scammer na nagsasaad na may trabahong iniaalok sa Canada.

Nakasaad din sa mensahe na limitado lang umano ang slot kaya kailangan magbayad ang mga intereado online para makakuha ng slot sa training.

Pero matapos mapagbayad ang mga aplikante ng P3,000, malalaman nilang nabiktima sila ng scam pagdating ng araw ng sinasabing training.

Sa araw training, pinuntahan ng mga biktima ang address ng venue at recruitment company na JEJ International, na ginamit lang pala ng scammer ang pangalan.

Ayon kay Atty. Buddy Javier, CEO ng JEJ International, may mga taong nagpunta sa kanilang tanggapan pero ipinaliwanag nilang wala silang itinakdang training at wala rin silang trabaho na iniaalok para sa Canada.

Nakikipag-ugnayan na ang mga nabiktima ng scam sa Philippine Overseas Employment Administration at National Bureau of Investigation para maimbestigahan ang insidente.

Nagpaalala rin ang mga awtoridad sa mga nais magtrabaho sa abroad na alaming mabuti ang inaaplayang trabaho at huwag magbabayad online at laging humingi ng resibo.--FRJ, GMA News