Hindi ikinahihiya ng miyembro ng SexBomb Girls na si Mhyca Bautista ang relasyon nila ng kaniyang partner na si CJ Abad, na isang lesbian.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, sinabi ni Mhyca na walong taon na silang magkarelasyon ni CJ.

"Proud po ako sa kaniya," saad ni Mhyca. "Simula pa naman po nung nagkaroon kami ng relasyon, parang open naman po ako."

Ayon kay Mhyca, positibo ang mga natatanggap nilang komento sa social media, kaya hindi siya nakaramdam ng pangamba na ibahagi ang buhay nila ni CJ bilang isang LGBTQ+ couple.

"Parang nagko-comment pa nga po ng, 'More pa, nakakatuwa 'yung mga vlogs n'yo.' So wala naman po kong nakikitang mga negative comments," sabi ni Mhyca.

"Sa family po namin, family niya, OK naman po. So bakit ako matatakot na i-open sa ibang tao," dagdag niya.

Katatapos lamang ng SexBomb Girls ng kanilang Canadian leg sa kanilang world tour. Susunod naman silang magtatanghal sa Etihad Arena sa Abu Dhabi, United Arab Emirates, sa Agosto 8.

Isang araw bago ang kanilang konsiyerto, ilalabas ng iconic na girl group ang kanilang bagong kanta na "Mama Mama."—MGP GMA News