Pinabulaanan ng abogado ng pamilya Furigay ang alegasyon ng suspek sa pagbaril at pagpatay kay ex-Lamitan City, Basilan mayor Rose Furigay na sangkot ito at ang pamilya sa kalakaran ng ilegal na droga. 

"His story is untrue," ayon kay Atty. Quirino Esguerra Jr., sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes.

Ayon kay Esguerra, mayroon galit ang nahuling gunman na si Dr. Chao-Tiao Yumol, laban kay Furigay matapos na ipasara ng lokal na pamahalaan ang klinika nito dahil walang kaukulang permit.

"He (Yumol) was even required to explain by the City Council and by the City Mayor, but what he did, he castigated them. He posted them on Facebook, malicious insinuation. So the mayor wouldn't like to confront him about this, they filed cases. There are pending 60 cyberlibel cases," paliwanag ni Esguerra.

Ayon kay Esguerra, malapit lang sa Lamitan City Hall ang sinasabing klinika ni Yumol.

Bukod kay Furigay, nasawi rin ang executive aide at isang security guard sa nangyaring pamamaril ni Yumol sa Ateneo law school sa Quezon City nitong Linggo ng hapon.

Sugatan naman ang anak ni Furigay na kabilang sana sa mga magtatapos bilang law student sa Ataneo.

"Hannah is in stable condition. She sustained a graze wound in the head and two wounds in the abdomen," anang abogado.

Nagtamo naman ng tama ng bala sa ulo at dibdib ang dating alkalde.

Nadakip si Yumol matapos ang paghabol sa kaniya makaraang gawin ang krimen. Dalawang baril at mga bala ang nakuha sa suspek.

Sa hiwalay na ulat ng "Unang Balita," inakusahan ni Yumol ang pamilya Furigay na sangkot umano sa ilegal na droga at ilang beses umanong pinagtangkaan ang kaniyang buhay.

"Tatlong beses akong pina-ambush ng pamilyang ito. 'Pag pumunta kayo sa social media ko makikita niyo ilang beses akong humingi ng tulong kasi pinapa-ambush nila ako," saad niya.—FRJ, GMA News