Inihayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. nitong Lunes na nais niyang ibalik ang mandatory Reserved Officers' Training Corps (ROTC) program sa senior high school students, na kabilang sa prayoridad ng kaniyang administrasyon.

“The aim is to motivate, train, organize, and mobilize the students for national defense preparedness, including disaster preparedness and capacity building for risk-related situations,” sabi ni Marcos sa kaniyang talumpati sa State of the Nation Address.

Sa talumpati, inihayag ni Marcos na ipatutupad ang mandatory ROTC at National Service Training Program (NSTP) program sa Grade 11 at 12 students sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Taong 2002 nang ibasura ang mandatory ROTC program kasunod ng pagpasa ng Republic Act 9163, na nagtatag ng NSTP.

Ibinasura ang ROTC kasunod ng pagkamatay ni Mark Wilson, estudyante ng University of Santo Tomas noong March 2001. Sinasabing nasawi si Wilson sa kamay ng ROTC handlers at kasunod nito ang pagkakabunyag ng katiwalian sa ROTC corps.

Nauna nang inihayag ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang hangarin niyang ibalik ang ROTC.

Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian, na batay sa isang survey na ipinagawa niya, 77 percent umano ng mga magulang ang pabor na ibalik ang ROTC.— FRJ, GMA News