Timbog ang isang holdaper matapos siyang habulin ng biktima na tinutukan niya ng ice pick sa dibdib sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa “Unang Balita” nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Amihan, kung saan magsusundo lamang ng kasintahan ang biktima Lunes ng gabi.

Naglalakad ang biktima nang kornerin ng mga suspek at dito siya tinutukan ng ice pick.

"Nakasalubong ko po 'yung dalawang holdaper po. Tapos pagdating ko paliko na ng Batino Elementary [School] doon na po ako inakbayan tapos tinutukan po. Kinuha po 'yung cellphone ko. ''Pag hindi mo binigay ito tutuluyan kita, papatayin kita.' Kaya binigay ko na," sabi ng biktima.

Pagkatakas ng mga salarin, hinabol sila ng biktima na sumisigaw para humingi ng tulong.

Tiyempo namang may mga nakatalagang pulis ilang metro sa pinangyarihan ng insidente.

Nahuli ang holdaper na kinilalang si Carlo Sison Jr. na siyang nanutok umano sa biktima.

Nakatakas naman ang kaniyang kasamahan bitbit ang cellphone ng biktima.

Nahaharap sa reklamong robbery ang mga suspek.

Umamin si Sison sa nagawa niyang krimen.

"Wala lang po, trip lang po sir," sabi ni Sison.

Nag-alala naman ang ama ng biktima nang malaman niyang hinabol ng kaniyang anak ang mga salarin.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya para mahuli ang nakatakas na suspek.

Umaasa naman ang biktima na mababawi pa niya ang kaniyang cellphone.

"Sobrang mahalaga. Kasi delivery boy lang ako ng laundry, pinag-ipunan ko 'yun eh. Bale P12,000 siya, ilang buwan ko ring pinag-ipunan tapos ganu'n lang gagawin, ho-holdapin lang pala ako,” sabi ng biktima. — Jamil Santos/VBL, GMA News