Inalis muna sa puwesto ng hepe ng PNP Custodial Center habang gumugulong ang imbestigasyon sa naganap na hostage-taking sa Camp Crame nitong Linggo kung saan biktima si dating Sen. Leila de Lima.
Sa isang press briefing, sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na bahagi ang pag-alis kay Lieutenant Colonel Patrick Ramillano ng kanilang standard operating procedure.
"Initially, of course, 'yung immediate commander, so tinanggal po muna natin siya. That's automatic for administrative investigation to determine 'yung culpability nung commander," ani Azurin.
Matatandang tatlong detainee ang nagtangkang tumakas sa PNP Custodial Center nitong Linggo nang umaga. Bagama't agad na napatay ang dalawa sa kanila, isa ang nakatakbo papunta sa kinaroroonan ni De Lima at ginawa siyang hostage.
Napatay din 'di kalaunan ang hostage-taker na kinilalang si Feliciano Sulayao Jr.
Sa flag-raising ceremony sa Camp Crame nitong Lunes ng umaga, ginawaran ng parangal ang pulis na nakapatay kay Sulayao na si Police Colonel Mark Pespes, hepe ng Headquarters Support Service.
Samantala, pansamantalang inilipat muna sa PNP General Hospital si De Lima, ayon kay Azurin. Dagdag pa niya, pinag-iisipan nilang ilipat ng selda ang dating mambabatas.
Nakadetine si De Lima sa PNP Custodial Center dahil sa kaso niyang may kinalaman sa droga.
Dahil sa hostage-taking incident, lumakas ang panawagan na palayain na si De Lima, na paulit-ulit nang itinanggi na tumanggap siya ng pera mula sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison noong siya pa ang kalihim ng Department of Justice.
Naniniwala naman ang kaalyado ni De Lima na si Atty. Chel Diokno, isang human rights lawyer, na mas mabuting ang National Bureau of Investigation (NBI) na ang mag-imbestiga sa hostage-taking incident imbes na ang PNP.
"Tingin ko, instead na ang PNP ang mag-iimbestiga sa sarili, mas maganda siguro, at para rin sa kanila, na ang NBI na lang ang humawak ng investigation. Tutal sanay naman ang NBI sa investigation," ani Diokno sa isang panayam sa radyo. —KBK, GMA News
