Sinentensiyahan ng 129 taong pagkakakulong si Peter Gerard Scully, o mas kilala bilang “Australia’s worst pedophile,” para sa mga kaso ng child abuse, kabilang ang panggagahasa sa isang 18-buwang gulang na batang babae.

Sa ulat ni Cyril Chavez sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing hinatulan si Scully ng Regional Trial Court Branch 37 ng Cagayan de Oro City, para sa pangalawang batch ng kaniyang patong-patong na kaso na trafficking in person, child abuse, sexual assault at iba pa.

Si Lovely Margallo, ang live-in partner ni Scully, ay pinatawan din ng 126 taong pagkakakulong dahil sa kaniyang pagkakasangkot sa krimen ng kinakasama.

Ang dalawa pa nilang kasamahan, sina Alexander Lao at Maria Durotiya Chia ay pinatawan naman ng siyam na taong pagkakakulong sa kasong use of traffic persons at possession of child pornography.

Si Scully at Margallo ay kasalukuyang nakakulong sa Davao Penal Colony sa Davao del Norte, habang binubuno ang unang batch ng mga kanilang kaso ng 5 counts of rape by sexual assault na nadesisyunan na ng korte noong 2018.

Napabilis ang pagbaba ng hatol para sa pangalawang batch ng kanilang mga kaso matapos silang sumailalim sa plea-bargaining agreement.

“It was a welcome development because the minor victims, most of whom are already adults now, have been waiting to take the stand and for them to be told na tapos na, matatapos na ang kaso and they will no longer be taking the witness stand. It was a big relief for them and their families,” pahayag ng DOJ-NPS Region 10 regional prosecutor Atty. Merlynn Barola-Uy.

Matatandaan na nahuli si Scully at mga kasamahan niya sa Malaybalay City, Bukidnon noong 2015 matapos isagawa ng mga awtoridad ang malawakang international manhunt operation laban sa dayuhan.

Modus ng grupo na maghanap ng mahirap na pamilya at kupkupin ang mga menor de edad na bata sa pangakong bibigyan sila ng magandang buhay.

Si Scully ang tinuturong mastermind ng nangyaring torture, sexual assault at panggagahasa sa mga menor-de-edad sa Mindanao.

Ina-upload din niya ang mga sexual assault sa mga biktima sa dark web upang pagkakitaan.

Maliban sa pagkakakulong, malaking multa at pagbibigay ng civil indemnity sa bawat biktima ang ipinataw sa kaniya ng korte.

“We consider this a big victory. Not only in terms of prosecution but more importantly this is a big victory for our children and our victim survivors because it has given them closure on their 10 year journey for this particular case,” ani Barola-Uy.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News